Isiniwalat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission nitong Martes na mayroon silang nadiskubreng “torture chamber” sa isang Philippine offshore gaming operations hub sa Pasay City na sinalakay kamakailan na sangkot daw sa mga ilegal na gawain gaya ng sex trafficking, love, at crypto scams.
Batay sa mga ulat, nakita ang iba’t ibang gamit sa isang kuwarto na kinabibilangan ng heavy-duty tasers, airsoft guns, baseball bats, at wooden club. Gayundin ang mga posas na nakakabit sa metal bar sa pader.
“’Yung mga hindi daw nagbabayad ng utang lalo kung sila ay gumamit ng mga prostitution room saka nung mga babae dito, ‘yung merong mga may atraso sa kanila, ‘yun ang tino-torture nila doon sa room na ‘yon,” saad ni PAOCC executive director Gilbert Cruz.
Kung matatandaan, sinalakay ng PAOCC at Inter-Agency Council Against Trafficking noong Biyernes ang nasabing POGO hub matapos na may mag-tip tungkol sa nangyayaring operasyon sa lugar.
Pitong Pilipino at dalawang dayuhan na umano’y biktima ng sex trafficking ang nasagip.
Naabutan naman ang nasa 731 manggagawa sa hub na magkakahalong mga Pilipino at mga dayuhan.
Anim katao, kabilang ang limang Chinese nationals at isang Filipino recruiter, ang sinampahan ng reklamo dahil sa sex trafficking.
“Sila ay na-recruit sa pamamagitan ng Facebook. Needed ng encoder pero nung actual nila pinuntahan nalaman nila na ang magiging trabaho nila ay, yun nga, ay isa sila sa mga ipo-prostitute dito,” ayon kay IACAT official at Assistant City Prosecutor Maricar dela Cruz.
Sinabi pa ng special task force na tatlo pang Chinese nationals ang nadakip na nagtangkang tumakas sa pamamagitan ng pagtalon mula sa gusali.
Nasa 500 foreign nationals ang sumasailalim sa immigration inquest dahil sa pagiging overstaying.
Sinabi naman ng Pasay City police na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon alinsunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government.