Iginiit ni Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na ang ginawang pag-abstain ng delegasyon ng Pilipinas sa resolution ng United Nations General Assembly na nananawagan para sa ceasefire sa giyera sa pagitan ng Israel at teroristang Hamas ay hindi umano nangangahulugang tumututol ang bansa.
Ayon sa kalihim, maraming mga elemento ng resolution na pabor sila at patuloy na susuportahan ang mga ginagawang hakbang ng UN para matigil na ang mga paghihirap sa Gaza bunsod ng nagaganap na giyera.
Ginawa ng DFA official ang paglilinaw sa official visit ni Dutch Foreign Minister Hanke Bruins Slot sa bansa at napag-usapan ng dalawang opisyal ang nagpapatuloy na goyera sa Israel at Gaza gayundin ang pangangailangan para sa humanitarian measures para maprotektahan ang mga sibilyan at sa pagbubukas ng humanitarian corridors.
Tulad ng Pilipinas, nag-abstain din ang the Netherlands mula sa pagboto sa resolution at tinukoy ang mahahalagang aspeto na hindi aniya naisama kabilang ang kakulangan ng sapat na panawagan para sa agarang pagpapalaya sa lahat ng mga bihag ng Hamas.
Umasa din ang opisyal na maisama ang pagkondena sa pagatake ng Hamas noong Oktubre 7 na ikinasawi ng mahigit 1,400 katao sa Israel kabilang ang apat na mga Pilipino at iba pang mga dayuhan matapos na hindi makakuha ng sapat na boto.
Samantala, pagtaya naman ni Manalo na kabilang ang dalawang nawawalang Pinoy sa mga bihag ng Hamas.
Sinabi rin nya ang ginagawang hakbang ng pamahlaan para matunton ang mga nawawalang Pinoy.