Isang dating empleyado ng ospital sa United Kingdom na kinasuhan ng terorismo ang nagtangkang pumatay ng maraming nars nitong Enero gamit ang isang pressure cooker bomb, ayon sa pahayag ng abogado sa korte ng Britanya.
Sinabi ni Jonathan Sandiford sa hurado sa Sheffield Crown Court nitong Lunes na nabuko si Mohammed Farooq, 28 anyos, sa kanyang masamang balak sa St. James’s University Hospital sa Leeds nang may makapansin na pasyente sa kanyang kahina-hinalang kilos at nagsumbong sa pulis.
Inaresto si Farooq sa labas ng ospital at nakita sa isang ward ang improvised explosive device na katulad ng ginamit sa pambobomba sa Boston Marathon sa Estados Unidos noong 2013.
Ginawa umano ni Farooq ang bomba gamit ang pulbura sa biniling fireworks noong Disyembre at sa tulong ng tutorial sa Internet tungkol sa paggawa ng bomba.
Ayon kay Sandiford, self-radicalized si Farooq o isang “lone wolf terrorist” at may hinanakit siya sa dating mga katrabaho kaya binalak niya ang naumsyaming plano.
Iniwan muna ni Farooq ang IED sa J28 ward at nag-text sa isang nars na sasabog ang bomba sa loob ng isang oras. Ngunit naka-off duty ang pinadalhan niya ng bomb threat at hindi agad ito nabasa kaya binago ni Farooq ang kanyang plano.
Naghintay siya sa kapihan ng ospital ng oras ng bagong shift at doon niya sana pasasabugin ang bomba upang mas maraming mapatay na nars.
Tinangka rin ni Farooq na bombahin ang Royal Air Force base sa Menwith Hill noong Enero, dagdag ni Sandiford.
Nahaharap sa kasong terorismo si Farooq pati na posesyon ng pampasabog at pekeng baril.