Inihayag ng Department of Foreign Affairs nitong Martes na nagkaroon na sila ng contact sa ilang mga Pilipinong naiipit sa Gaza at ayon sa ahensya, dumadaing na umano ang mga Pinoy doon dahil pahirapan umano ang pagkuha ng inuming tubig doon.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos na natawagan na nila ang nasa 87 Pilipino sa Gaza kabilang ang 57 Pinoy na nasa Rafah at bagama’t sapat pa ang suplay ng pagkain ay nagiging pahirapan naman ang access sa tubig.
Ayon pa sa envoy, mula sa 136 Pinoy na nasa Gaza, 49 na mga Pilipino ang hindi makontak subalit puspusan pa rin ang ginagawang paraan ng embahada para makontak ang mga ito.
Base sa United Nations agency na tumutulong sa mga Palestinian refugee, walang convoy ng humanitarian aid ang nakapasok sa Gaza noong Oktubre 28 dahil sa naputol na komunikasyon.
Samantala, tiniyak ng Department of Migrant Workers na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan para sa repatriation ng overseas Filipino workers na naiipit sa nagpapatuloy na giyera sa Israel.
Ito ay sa gitna na rin ng nadaragdagang bilang ng mga Pilipino na nasa 185 na mula sa Israel ang humihiling na ma-repatriate sa gitna ng patuloy na sigalot sa pagitan ng Israeli forces at teroristang Hamas na nasa Gaza.
Kabilang nga sa matatanggap ng mga napauwing Pinoy ay repatriation assistance package na nagkakahalaga ng P50,000 bawat isa mula sa OWWA para matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at matulungan silang makabalik ng matiwasay sa kanilang normal na pang-araw-araw na pamumuhay.