Iniulat ng mga otoridad na dalawang motorcycle rider ang nasugatan matapos nilang magsalpukan sa bahagi ng northbound lane ng EDSA Santolan Flyover sa Quezon City Lunes ng gabi.
Ayon sa mga paunang ulat, sinabing nangyari ang insidente ng 10 p.m., kung saan tumilapon ang isang motorcycle rider matapos bumangga sa isa pang motorsiklo.
Sugatan sa baba at kamay ang rider na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
Agad dumating ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority Rescue, na isinakay ang rider sa spine board at dinala ito sa ospital.
Nagtamo naman ng mga sugat sa siko at kamay ang rider na kaniyang nabangga. Galing siya sa trabaho at pauwi na sa Bulacan nang mangyari ang aksidente.
Sinabi ng pangalawang rider na mabilis ang takbo ng nakasalpukan niyang rider.
Pansamantalang hindi nadaanan ang EDSA busway, at nagdulot ng traffic ang aksidente.
Patuloy itong iniimbestigahan ng QCPD traffic sector 3.