Iniulat ng Commission on Elections nitong Martes na pumalo na sa 19 katao ang naitalang namatay habang nasa 19 rin ang sugatan sa kasagsagan ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections nitong Lunes.
Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, nasa 29 insidente ng karahasan may kinalaman sa lokal na halalan ang na-validate na nagresulta sa kamatayan at injuries ng mga biktima sa panahon ng halalan mula sa Agosto 29 hanggang Oktubre 30.
Dagdag niya, karamihan sa mga insidenteng naitala ay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Bicol.
Sinabi pa ng Comelec official na iimbestigahan rin ng poll body ang 113 pang mga insidente may kinalaman sa halalan.
Samantala, ibinahagi naman ni Vice President Sara Duterte na walang natanggap na anumang ulat ang Department of Education na harassment laban sa mga guro na nagsilbi bilang electoral board.
Ayon pa kay VP Sara, naglatag ang DepEd ng command center kung saan maaaring magresport at makahingi ng legal aid ang mga gurong nagsilbi sa araw ng halalan mula sa anumang uri ng pangaabuso, harassment at mga banta.
Dagdag pa niya, nakipag-partner ang DepEd sa Commission on Elections at Public Attorney’s Office para asistihan ang mga kaguruan.
Ginawa ni VP Sara ang naturang pahayag matapos na bumoto para sa BSKE sa Daniel R. Aguinaldo National High School.
Sa ibang balita, hiniling naman ng Comelec Department of the Interior Local Government na payagan ang isang linggong transition para sa mga bagong mahahalal na barangay at SK officials mula sa mga incumbents.
Bunsod nito, inaasahang hindi agad na makakaupo sa pwesto ang mga mananalong kandidato sa katatapos na Barangay at SK elections.
Paliwanag ni Comelec chairman George Garcia, kahit pa tanggalin ng DILG ang requirement para sa mga mananalong opisyal para magsumite ng Statements of Contribution and Expenditures at dapat pa rin umanong magkaroon ng maayos na turnover para maiwasan ang anumang problema.
Kahit pa sabihin aniya ng Korte Suprema na maaari ng mag-assume ang mga mananalo bukas, umaasa pa rin ang poll body na magkaroon ng isang linggong transition dahil sa monetary accuntabilities.
Ayon kay Garcia, sumang-ayon ang DILG sa request ng Comelec at magiisyu ng isang memorandum kaugnay sa naturang usapin.
Samantala, naghain ang Comelec Task Force Anti-Epal ng 294 petisyon para sa diskwalipikasyon laban sa mga kandidato ng BSK elections.
Ayon sa Comelec, nasa 223 na petisyong inihain para sa diskwalipikasyon ay dahil sa premature campaigning habang 71 petisyon naman ang isinumite dahil sa iligal na pangangampaniya.
Sa kabuuan nasa 74 na petisyon ang naihain nitong Lunes.