Isang polling precinct sa Puerto Princesa Elementary School sa Palawan ang sinugod ng hindi bababa sa anim na lalaki at ginambala ang nangyayaring pagboto para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections nitong Lunes.
Base sa paunang ulat, pumasok ang mga lalaki sa dalawang voting precinct sa naturang paaralan at pinunit ang mga hindi pa gamit na balota. Naaresto ang isa sa kanila, ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia.
“Lahat po ng darating para bumoto ay ililista at after ng 3 p.m. na voting, yung mga hindi nagamit ng mga neighboring na precincts ang gagamitin,” sabi ni Garcia.
Nanindigan si Garcia na intact ang ballot boxes at magpapatuloy ang botohan sa polling precincts.
“Kahit nawala ‘yung mismong mga balota, intact ang ballot boxes at intact din ang mga balotang naihulog na sa ballot box, bago nangyari ang pangyayaring iyon,” saad ng Comelec chief.
“More or less mga 200 voters pa ang hindi pa nakakaboto. Hopefully naman po, sana andyan pa sila, nagpalista naman sila kanina, and therefore, papayagan nating makaboto sila kahit lampas ng alas-3 ng hapon,” dagdag ng opisyal.
Ayon naman sa Puerto Princesa Police Office, higit 300 unused ballots ang nasira dahil sa insidente. Pinaghahanap pa rin anila ang posibleng kasamahan ng naturang suspek.
Hindi naman naniniwala si PCapt. Victoria Iquin sa alegasyon na dahil sa mga umano’y naglipanang flying voters ang rason sa krimen.