Aminado ang vlogger na si Zeinab Harake na talagang naloka siya sa isang challenge na ginawa nila ng kanyang nobyong basketbolista na si Ray Parks kung saan parang naiba na umano ang challenge na kanilang ginawa.
Imbis na “Can’t Say No” challenge daw ang gagawin, parang naging “Sugar Daddy for a Day” challenge ang kanilang ginawa at sa recent YouTube vlog ng content creator, marami ang kinilig at humanga sa ipinakitang genuine love ni Bobby para kay Zeinab habang sila ay nasa Japan.
Mapapanood sa video na binigla ni Zeinab ang kanyang dyowa sa gagawing “Can’t Say No Challenge” na ang plano sana ay ang vlogger ang gagastos para sa basketball player.
Ngunit tila nabaligtad ang naging hamon dahil ang ending ay si Bobby ang nagbayad sa mga gustong bilhin ni Zeinab.
“Mag-’Can’t Say No Challenge’ tayo,” sey ng social media star sa basketbolista.
Sagot naman sa kanya ni Bobby, “Ngayon? Seryoso ka?”
“Oo! Magsha-shopping kasi today, sayang naman ‘to,” sambit naman ni Zeinab. “Kasi itong kumag na ‘to, gusto niya siya gagastos lahat ng gusto kong bilhin. Hindi naman pwede ‘yun as strong independent woman.”
Biglang hirit ng basketball player, “Pwede ‘yun!”
Tugon sa kanya ni Zeinab, “I-save mo na lang lahat ng perang igagastos mo sakin…pagkain, taxi, driver, kotse lahat na nga sayo e. Hindi na nga ako nagrereklamo.”
Sa gitna ng vlog, mapapanood na tila nagtatalo pa rin ang dalawa dahil ayaw nang paggastusin ni Zeinab ang kanyang dyowa.
“Maghihirap ka niyan,” banta ng vlogger-actress.
Paliwanag naman ni Bobby, “Nagtatrabaho ako. Araw-araw akong nahihirapan, pero worth it siya sa mga times na ganito. Kaya hayaan mo na ako, ito ang kasiyahan ko.”
At dahil nga, na-stress na si Zeinab at hindi naman niya mapigilan sa paggastos si Bobby ay lumabas na muna siya ng store habang nagbabayad sa cashier ang kanyang partner.
“Ngayon lang ako nakakita ng ‘Can’t Say No Challenge’ na ako ‘yung hindi maka-’no’ talaga tapos siya ‘yung nagbayad,” wika ni Zeinab.
Lalo pang pinatunayan ni Bobby ang kanyang pagmamahal kay Zeinab nang maalala nito ang mga anak ng vlogger at hindi niya nakalimutang ipag-shopping at bilhan ng mga pasalubong sina Lucas at Bia.