Isang Pilipinang caregiver sa Israel ang binigyang papuri ng pamahalaan Israel dahil sa ipinamalas nitong katapangan sa harap ng panganib at kamatayan nang mapasok ng Hamas terrorist group ang kanilang bahay.
Kinilala ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss ang kabayanihan na ginawa ng 31-anyos na si Camille Jesalva, nang araw na sumalakay sa Israel ang Hamas noong Oktubre 7, kung saan mahigit 1,000 ang nasawi.
Hindi iniwan ng Pinay caregiver ang 95-anyos na amo sa harap ng panganib at ibinigay pa ng OFW ang naipon niyang pera para hindi sila saktan.
“This is an amazing story of heroism. I think this is something that we really would… it’s important for us to recognize and to really appreciate and to say thank you to her,” sabi ni Fluss.
Kuwento naman ng Pinay, nang marinig umano nila ang mga putukan sa Nirim ay dinala niya ang kaniyang amo na si Nitza Hefetz sa bomb shelter sa halip na tumakas, pero may problema ang lock nito kaya hindi niya naisara.
“Pumasok sila from main door, kumuha sila ng malaking malaking bato then pinukpok po sa main door. Ginugulo po yung bahay as in gulo, ewan ko anong hinahanap nila tapos tabi lang po ng shelter, nanginig na po ako dun,” sabi ni Jesalva.
Hanggang sa isang Hamas ang nakapasok sa bomb shelter at nakaharap mismo ni Jesalva at inisip na ng Pinay na katapusan na nila kaya nagpaalam na siya sa kaniyang ina at huling na makita ang larawan ng kaniyang anak.
“‘Ma, pa-send na po ng picture ng anak ko. Hindi na ako makaka-survive. Parang gusto ko makita yung anak ko bago ko i-close yung mata ko at mamatay na ako,” emosyonal niyang kuwento.
Ang Hamas, galit na galit umano pero pinakiusapan ni Jesalva na maging mahinahon at unawain ang kaniyang matandang amo na hindi na umano alam ang ginagawa at ang ginawa niya ay kinuha niya ang kaniyang wallet at inilabas ang itinabing pera na ipadadala sana niya sa Pilipinas.
Iniwan na umano ng Hamas sina Jesalva nang wala nang ibang makitang pera.
Pagkaraan ng ilang oras, dumating na ang mga sundalong Israeli at nailigtas sila.
“Ang daming barilan ang daming rockets sa paligid namin, natumba kami nadapa kami pero we are safe,” sabi pa Jesalva na itinuturing ang sarili na pinagpala dahil nakaligtas sila ng kaniyang amo.
“I feel na yung Diyos, may nag-guide sa aming dalawa. May naga-guide sa amin na kakaiba yun ang naisip ko hindi ko talaga akalain na mabubuhay pa ako. We came here sa Holy Land Jerusalem. I feel so blessed,” sabi pa niya.
Pinuri rin ng netizens ang ginawa ni Jesalva, maging ng American actor and producer na si James Woods, na nagbalik-tanaw pa sa kabayanihan ng mga Pinoy noong World War II.
Nakipaglaban umano sa naturang digmaan ang kaniyang ama na labis din ang paghanga sa kabayanihan ng mga Pinoy.