May kakaiba sa halalang pambarangay at sangguniang kabataan. Hindi mga kandidato ang bumibida kundi ang tagapamahala ng halalan.
Todo sa pagpapatupad ng mga patakaran sa halalan ang Commission on Elections. Bagaman nagbabaklas ng mga bawal na materyales sa pangangampanya ang mga tauhan ng Comelec sa mga nakalipas na eleksyon, ang pagtatanggal nila sa mga maling sukat na poster ng mga tumatakbong kandidato kamakailan ay may kaakibat na parusa sa mga lumabag sa panuntunin. Hindi lang nila tinanggal ang mga bawal na poster kundi pananagutin nila ang sinumang nakalagay sa mga ito. Hindi sila ipoproklamang halal sakaling manalo sila sa botohan dahil diskwalipikado sila. Maaari mang umapela ang mga pinarusahan, mababaliktad lamang nila ang pasya ng Comelec kung mapapatunayan nilang hindi sila nagkamali o ang mismong ahensya ang nagkamali.
Sa madaling salita, wala pang botohan, may talo na, ang mga lumabag sa mga panuntunin ng Comelec.
Dati ay pagkatapos pa lamang ng halalan saka mapapatawan ng diskwalipikasyon ang kandidatong may mga paglabag sa batas ng Comelec.
Kung may maagang botohan ang Comelec para sa mga matatanda, na makatwiran naman, ang maagang diskwalipikasyon ay kahanga-hanga dahil sa agarang pagtanggal ng ahensya sa mga hindi karapat-dapat na maging kapitan at kagawad ng barangay at SK.
Kaya kahit may mga taong boboto sa mga hindi sumusunod sa batas, ang maagang diskwalipikasyon ng Comelec ang tatabla sa mga ganitong klase ng pasaway na kandidato.
Tiyak namang matutuwa ang mga katunggali ng mga pasaway na kandidato dahil mapapadali ang kanilang panalo kahit kaunting boto ang makuha nila ngayong araw.
Masyado nang nasasamantala ang mga patakaran ng Comelec sa mga nakalipas na halalan dahil mismong kandidato ang promotor ng mga paglabag. Panahon na upang hindi na paupuin ang mga kandidatong maaangas at “above the law” kung umasta tulad ng dating pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump.
Walang karapatan ang sinuman na maging tagasilbi ng bayan kung sila mismo ay hindi marunong sumunod sa batas at patakaran. Iba ang pakay nila sa pagtakbo, pansariling interes lamang.
Isa pang kahanga-hanga sa Comelec ay ang paglaban nito sa “vote buying.” Pinagbawalan nito mula Sabado ang sinuman na magdala ng P20,000 na nasa maliliit na denominasyon o P500,000 na nasa malalaking denominasyon ng pera. Sino nga ba naman ang magdadala ng malaking pera kundi iyong mga bibili ng boto.
Hindi rin maaaring magbigay ng listahan ng mga kasambahay ang sinuman dahil ito ay ebidensyang nagbebenta sila ng boto.
Ang halalan ay hindi kalakalan ng boto. Sa mga nais na gawin itong dilihensya, nararapat lang na sila’y mahuli at maparusahan.