Interesado umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumili ng mga lokal na produkto para sa government procurement at mga gawang lokal na materyales na gagamitin para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno sa hinaharap.
Nitong nakaraan ay nakipagpulong ang Pangulo sa Private Sector Advisory Council Infrastructure Cluster kung saan tinanggap niya ang rekomendasyon ng konseho dahil kinikilala niya ang kahalagahan ng pagbibigay ng kagustuhan at priyoridad sa mga gawang lokal na materyales sa gusali.
Ayon pa sa Pangulo, ang panukalang ipinasa ng PSAC, na pinamumunuan ng negosyanteng si Sabin Aboitiz, ay isang hakbang tungo sa tamang direksyon dahil ang kagustuhan at prayoridad sa pagkuha ng mga proyekto ng pamahalaan ay dapat ibigay sa mga lokal na produkto na tumutugon sa tinukoy o nais na kalidad.
Ipinag-utos naman ni Marcos sa Department of Trade and Industry na mahigpit na makipag-ugnayan sa PSAC sa pagbuo ng listahan ng mga partikular na construction materials na maaaring gamitin para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.
Binigyan rin ng Pangulo ng direktiba ang Department of Budget and Management — sa pamamagitan ng Government Procurement Policy Board — na umakma sa patakaran ng pagbibigay ng kagustuhan sa mga lokal na materyales sa pamamagitan ng kaukulang mga alituntunin, na napapailalim sa mga umiiral na batas, tuntunin at regulasyon.
Binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangang tukuyin kung aling mga materyales ang bibilhin ng gobyerno upang maiwasan ang anumang sigalot sa hinaharap.
Hiniling naman ng mga miyembro ng PSAC ang suporta ng gobyerno na tumangkilik sa lokal na industriya dahil binigyang-diin nila na ang Pilipinas ay may maraming talento at produkto na world-class na kalidad, “kung hindi man mas mahusay” mula sa mga karatig bansa nito.
Partikular na tiniyak ng PSAC kay Marcos na ang mga lokal na industriya ng pagmamanupaktura ay gumagawa ng semento, bakal at iba pang materyales sa konstruksyon na umaayon sa pambansang pamantayan ng Pilipinas na idinisenyo upang mapaglabanan ang klima ng bansa at iba pang natural na kalamidad.