Dalawang beses pinabagsak ng kalabang Ruso si Mark Abelardo ngunit hindi natinag ang Filipino-Kiwi na mixed martial artist at nanalo pa sa ONE Friday Fights 38 sa Lumpinee Boxing Stadium sa Bangkok, Thailand nitong Biyernes.
Isang spinning back kick sa ulo na pinakawalan ni Georgy Shakhruramazanov ang nagpatumba kay Abelardo sa unang round ng kanilang laban ngunit nakabangon agad siya at natapos ang unang round.
Sa sumunod na ronda, ginamit muli ng mas matangkad na si Georgy ang paikot na sipa at tinamaan na naman si Abelardo at natumba.
Agad namang nakatayo ang Pinoy at doon na bumira ng husto.
Isang kaliwang hook ang pinakawalan niya na tumama sa baba ni Georgy.
Sa pagbagsak ng kalaban, umatake na si Abelardo at nagpaulan ng suntok kay Georgy.
Hininto ng referee ang laban may 19 segundo pa ang natitira sa ikalawang ronda.
Naitala ni Abelardo ang ika-22 niyang panalo sa 32 laban sa ONE bantamweight category.
Ikalawang talo naman ang dinanas ni Shakhruramazanov sa 19 laban.
“I underestimated that spinning back kick I got. I thought I’d be able to avoid it but he caught me twice, but it will take more than that to beat me,” pahayag ni Abelardo sa ring matapos ang laban.