Umiyak si Luis Manzano habang nagpapaalam sa mga televiewers sa huling episode ng kanyang “It’s Your Lucky Day” nitong Biyernes.
Bago matapos ang episode ng pananghaliang palabas, sinamahan siya sa entablado ng kapwa show host at asawang si Jessy Mendiola.
Isa-isang nagsalita ang mga co-host ni Manzano. Nagpahayag sila ng pasasalamat sa pagiging parte ng “It’s Your Lucky Day.”
Huling nagsalita si Manzano at sinariwa niya ang unang episode ng show.
“Actually, dun palang, bumagsak na ‘yung mga luha natin nun. Lumabas na lahat ng emosyon dahil siguro natanggap na natin ‘yung realidad na siguro pansamantala, [‘yung] huling pagsasama natin,” aniya ayon sa ulat ng GMA News.
Pinasalamatan ni Manzano ang mga co-host at sinabi niyang sila ang napili niyang makasama dahil naniniwala siyang kailangan niya sila para sa mga Ka-Lucky ng show.
“Bukod sa aking may bahay, bukod sa aking anak, bukod sa aking magulang, pamilya — ‘pag may kumausap sa ‘kin at tinanong, ‘Ano ‘yung pinaka favorite mo na moment nung nag-ho-host ka for 20-plus years?’ [I answer them] ‘It’s Your Lucky Day,’” sabi ni Manzano habang tumutulo ang luha.
Pinasalamatan din ni Manzano ang direktor at production crew ng show. Ipagdarasal niya sila palagi, aniya.
“Kung ano man ‘yung pinagraanan niyo before, pinagdaraanan niyo ngayon, pagdadaaran sa mga susunod na araw, nandito pa rin kami para sa inyo, and we love you,” sabi ni Manzano, ayon sa GMA News.
Sumunod na eksena ang group hug nila. Kasama ni Manzano sa show sina Shaina Magdayao, Robi Domingo, Melai Cantiveros, Jennica Garcia at iba pa. Naging guest host din ang Kapuso actress na si Bianca Umali.
Muling nagsalita si Manzano at sinabi niyang malaking karangalan nila “na magpasaya sa inyong lahat nang panandalian para mapawi iyong mga problema.”
Dagdag pa niya na maaaring hindi pa nila huling pagkikita-kita.
“Malay naman natin this is not goodbye. Magkikitakita ulit tayo kung saan solid ang swerte at saya. Mga Ka-Lucky, our staff, our family, we love you,” aniya.
Pansamantalang pinalitan ng “It’s Your Lucky Day” ang “It’s Showtime” sa loob ng 12 araw nang masuspinde ang pananghaliang palabas dahil umano sa di-kanais-nais na insidenteng kinasangkutan nina Vice Ganda at Ion Perez noong Hulyo 25.