Nagpatupad ng “money ban” ang Commission on Elections sa Cagayan de Oro City mula kahapon ng hatinggabi upang labanan ang pagbili ng boto sa halalang barangay at sangguniang kabataan.
Sinabi ng abogadong si Joel Dexter Nagtahan, ang city election officer ng District 1 sa siyudad, na bawal magdala ng P20,000 na barya o P500,000 na perang papel ang sinuman maliban kung negosyante. Ang sinumang lalabag sa pagbabawal ay pararatangang namimili ng boto at maaaring arestuhin.
Nagpakalat na ang Comelec sa distrito ng mga tagamanman ng taong may dalang malalaking halaga ng pera.
Pinaalala rin ni Nagtahan na bawal ang sinuman na magsabi ng bilang ng botante sa isang kabahayan dahil ito ay ipagpapalagay na nagbebenta ng boto.
Limang taga-usig ang itatalaga sa halalan sa Lunes upang dagliang makasuhan ang sinumang lumalabag sa patakaran ng Comelec.