Iniulat ng mga otoridad na isang isang restaurant sa Pasay City ang pinasok ng dalawang armadong lalaki na nanutok ng baril at tinangay ang bag ng may-ari nito na may malaking halaga ng pera.
Base sa imbestigasyon, sinabing kasasara lang at pauwi na sana ang mga empleyado ng naturang restaurant Miyerkoles ng madaling araw pero ilang saglit pa ay pumasok ang mga armadong suspek na nakasuot ng helmet.
Isa sa kanila ang agad tinutukan ang dalawang empleyadong nakaupo sa sofa, samantalang ang isa ay tinutukan at kinorner ang nakapuwesto sa kaha, na siyang may-ari ng restaurant.
Pagkapalit ng puwesto ng mga salarin, tumiyempo ang isang lalaking staff para tumakbo palayo, ngunit hinabol siya ng isa sa kanila at pinaputukan pa ng baril.
Pagkatapos magpaputok, agad kinuha ng mga suspek ang bag ng may-ari na nasa kaha bago tumakas.
Sinabi ng isa sa mga staff ng restaurant na trauma ang kanilang inabot dahil sa bilis ng mga pangyayari, at bumakas pa sa sahig ng restaurant ang tama ng bala sa sahig.
Sa kabutihang palad, hindi tinamaan ang kasamahan nilang binaril.
Duda ng staff na pinag-aralan ng mga salarin ang kanilang amo dahil maliban umano sa dalawang gunman, namataan din ang dalawa pang nakamotorsiklo na nagsilbing lookout.
Tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.