Inihayag ng Police Regional Office-4A nitong Biyernes na bibigyan umano ng police protection ang pamilya ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon sa Batangas makaraang tukuyin na isang pulis ang “person of interest” sa pagkawala ng beauty queen.
Sinabi ni PRO-4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas na binigyan na niya ng instructions ang hepe ng Tuy Police sa Batangas na bigyang seguridad at assistance ang pamilya ni Camilon.
Nitong Huwebes, inihayag ng PRO 4A na ang pulis ang kinatagpo ng beauty queen nang araw na mawala ito noong October 12 at ayon kay Lucas, ililipat sa Criminal Investigation and Detection Group unit sa rehiyon ang pagsisiyasat sa kaso dahil isang pulis ang nauugnay dito.
Kasabay nito, magsasagawa naman ng hiwalay na administrative investigation ang Regional Internal Affairs 4A base na rin sa rekomendasyon ng Regional Committee on Missing and Found Persons.
Pansamantala nang inalis sa puwesto ang pulis, at isinailalim sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit. Hinihintay pa ang pag-apruba ng Commission on Elections sa gagawing paglilipat sa pulis dahil ipinagbabawal ang police reassignments sa panahon ng eleksyon.
Ayon kay Lucas, optimistic ang mga imbestigador na buhay si Camilon.
Huling nakita si Catherine sa isang mall sa bayan ng Lemery.
Sa mga kuha ng CCTV footage sa mga dinanan ng sasakyang ni Catherine, hinihinalang mayroong kasama ang beauty queen.