Apat na hinihinalang miyembro ng grupong Daulah Islamiyah-Maute ang sumuko sa mga sundalo sa Lanao del Sur at nagsuko ng kanilang mga armas.
Nangyari ang pagsuko matapos ang serye ng negosasyon ng militar sa kanila, pag-ulat ni Lt Col. Edmond Lanzar, kumander ng 32nd Infantry Battalion kahapon.
Kinilala ni Lanzar ang mga sumuko na sina alyas Mickey, Butongo, Salim at Amano. Sila ay nasa kampo ng 32nd IB.
Sinabi naman ni Maj. Gen. Steve Crespillo, kumander ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command, na siniguro nila ang kaligtasan at kabuhayan ng mga susuko o sumuko.
Sa mga hindi naman susuko, sinabi ni Crespillo na mas titindihan nila ang pagtugis sa kanila.
Samantala, nakuha ng mga sundalo ng 3rd Scout Ranger Battalion ang AK47 riple ng New People’s Army sa gubat ng Barangay Lumba-Bayabao sa Lanao del Sur nitong Linggo.
Nakita ng mga sundalo ang riple nang ituro ito ng dalawang dating rebelde na nasa kustodiya ng 103rd Infantry Brigade ng Marawi City.
Ayon sa mga Scout Rangers, ang mga nakuha nilang armas ay mula sa Sub-Regional Committee 5 ng North Central Mindanao Regional Committee.