Nakuha na ang mga labi ng limang indibiduwal na nasawi matapos silang matabunan ng landslide sa probinsya ng Quezon.
Ayon sa mga otoridad, na-retrieve na ng rescue and retrieval team ang mga nasawi matapos ang isinagawang assessment ng mga kinauukulan sa pinsalang posibleng tinamo ng lugar, at para na rin sa kaukulang search and rescue operations.
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, nagsagawa ng Tactical Operations ang hukbong panghimpapawid gamit ang isang Blackhawk at isang Super Huey na kanilang mga helicopter.
Ito ay upang tumugon sa nangyaring landslide sa bahagi ng Sitio Angelo, Brgy. Umiray, General Nakar, Quezon province.
Agad na dinala sa Headquarters ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army sa pakikipag-ugnayan na rin sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno ang apat na bangkay na narekober ng PAF mula sa limang nasawing biktima.
Kung matatandaan, una nang iniulat ng mga kinauukulan na ang pagguho ng lupa sa nasabing lugar ay dulot ng madalas na pagbuhos ng ulan.
Kaugnay nito ay nakatanggap naman cash assistance na nagkakahalaga sa P35,000 mula sa provincial government ang mga naulilang pamilya ng mga biktima.