Nagwelga simula kahapon ang mga shaman o mangkukulam sa isang templo sa Sri Lanka dahil sa pagbabawas o pakikihati ng administrador ng lugar sa mga pera at alahas na ibinabayad ng kliyente sa kanila.
Dinadayo ng mga tao ang mga shaman sa templo ng Seenigama Devale sa isang maliit na isla sa timog Sri Lanka.
Nagsasagawa ang mga shaman ng ritwal para kay Devol, isang diyosang Hindu na pinaniniwalaang nagpapahirap sa mga kaaway.
Ang punong shaman, si D.M. Kumara, at siyam niyang kapwa shaman ay tumigil munang magsagawa ng seremonya bilang protesta sa bagong regulasyon sa kanilang kita.
Mangyari ay iniutos ng mga tagapangasiwa ng templo na 30 porsyento na lamang ng mga pera at alahas mula sa kliyente na inaalay nila kay Devol ang maaari nilang kunin.
Umapela ang mga shaman sa diyosa na mamagitan o ipaglaban sila.
Habang hinihintay ang kasagutan ni Devol, sila ay titigil muna sa pagsisilbi sa mga deboto.