May mga patay na dati nang naiulat na bumoto sa halalan. Wala namang milagrong nangyari. Hindi naman bumangon sa hukay ang bangkay at pumunta sa presinto para magsulat sa balota ng kanyang piling kandidato na parang zombie voter. Totoong tao ang bumoto gamit lang ang pangalan ng patay na botante. Katulad ito sa modus ng flying voter upang makaboto ng ilang ulit at madagdagan ang boto ng tumatakbo.
Hindi lang sa pagboto nangyayari ang ganitong kababalaghan. Mayroon ding pensyonado na kumokolekta pa ng pensyon kahit patay na. Hindi naman yung bangkay ang tumatanggap ng pera muia sa Government Service Insurance System kundi kamag-anak na buhay pa ng yumaong tao. Ginamit lang ang pangalan ng namatay para tuloy lang ang pagkuha ng pensyon.
Ngayong umamin ang PhilHealth na may mga pangalan ng miyembro o contributor na pumanaw na ang nasa database pa rin ng ahensya, at nakuha ng mga hackers ang personal na impormasyong ng ilang milyong miyembro, may posibilidad na magamit ng mga cyber criminal ang mga nakuhang pagkakakilanlan o identity para makapanloko ng ibang tao. Magpapanggap ang mga manloloko na sila ang mga patay na.
Kaya naman napapanahon talaga na burahin na ang mga datos ng mga patay na miyembro ng PhilHealth sa database ng mga kasapi nito. Sa ganito’y maiiwasan ang paggamit ng mga “patay” sa pang-scam.
Kung magawa man ng scammer na ipagamot pa ang isang patay nang PhilHealth member ay pambihira na. Ngunit hindi naman ganito ang mangyayari kundi gagamitin lamang ang identity ng patay na upang makapagpagamot ang isang buhay pang tao na hindi miyembro o kulang sa kontribusyon.
Kung talamak na ang paggamit ng identity ng mga buhay na tao sa panloloko sa Internet, hindi imposible na pati identity ng mga patay ay gagamitin rin ng mga online scammer sa pagnanakaw ng pera ng iba.
At sa mga makaka-transaksyon ng mga “patay” na, parang nakakapatindig ng balahibo sa mga walang muwang kapag bigla nilang malaman na matagal nang patay ang kausap nila.
Hindi naman na kataka-taka kung mangyari ito dahil sa teknolohiya ngayon na kayang kumopya ng buhay na tao pati na mga detalye nila o kaya’s gumawa ng bagong tao na ang detalye ay mula sa namatay na.
Dapat lang na maging alisto ang mga tao sa pakikipag-transaksyon nila sa iba sa Internet dahil hindi personal na nakikita rito ang kausap.
Naglipana ang mga online scammer at ang mga magpapasamantala ay inaasahang mananakawan ng pera. Kaya doble-ingat dapat ang lahat.