Nasa higit 100 katao ang nasagip ng mga otoridad na sapilitan umanong pinagtatrabaho sa isang isla sa Sulu nang walang sahod at para magtuloy-tuloy sa trabaho ang mga biktima ay pinapagamit umano ng ilegal na droga ang mga ito.
Ayon sa ulat ng mga otoridad, isa umanong malaking sindikato ang nasa likod ng operasyon na naging tila mga preso ang nasa mahigit 100 nilang trabahador, kabilang ang 20 pang menor de edad.
Base sa mga pahayag ng mga naging biktima, noong 2014 daw narecruit ang iba sa kanila para maging isang mangingisda at naengganyo umano sila nang bigyan agad sila ng “recruiter” ng P15,000 kahit hindi pa nakapagsisimula sa trabaho.
Nang pumayag, dinala umano sila at ang kanilang pamilya sa malayong isla ng Tubalubac Island sa Sulu, na 10 oras ang layo gamit ang bangka mula Zamboanga City.
Pagkarating sa isla, payak ang naging pamumuhay nila sa panghuhuli ng isda. Gayunman, may mapait itong kapalit.
“Walang pulis doon, walang munisipyo, walang barangay. Sila ang gobyerno rito,” sabi ng isa sa biktima. “‘Yung mga bata doon nagtatrabaho kahit maliliit pa. Papaluin sila ng walis, kahoy. Tututukan ka ng armas. Sila ang gobyerno rito.”
Pinalalaot sila sa dagat mula 4 p.m. hanggang 5 a.m. Ngunit imbes na pera, bigas ang ibinibigay na bayad sa kanila para sa kanilang serbisyo.
“Wala, kahit isang piso. ‘Pag wala kang huli pag-uwi mo, bugbog sarado ka. Pinapaputukan kami kaya sobrang hirap. Kapag tayo’y lumaban, patay tayong lahat,” sabi ng isa pang biktima.
Para maging listo sa trabaho dahil sa ilang oras na pagkapuyat, puwersahan silang pinagagamit ng droga. Kinukuha umano ng amo ang droga mula sa isang supplier sa Jolo.
“‘Pag magtrabaho ka, mabilis ang galaw mo. Ang nagdadala na lang sa ‘yo ‘yung droga na lang. ‘Yung isipan lang ang malakas, ang katawan mo pagod na,” sabi ni Rey Recate, isa ring biktima ng human trafficking.
Pinangalanan nilang “Jammang” ang tinutukoy nilang amo, na “in-charge” sa isla at may mga bangkang panghabol kung sakaling tumakas ang mga trabahador.
Ayon kay Lowela Continedo, isa pang nabiktima, namatayan na siya ng isang anak na nagkasakit sa isla. Sinubukan nilang magpaalam sa mga tauhan ni “Jammang,” ngunit hindi sila pinayagan ng mga ito.
Agad nagsagawa ng operasyon ang PNP Zamboanga at iba pang ahensiya. Nang marating nila ang isla, nasagip nila ang mahigit 100 biktima ng human trafficking.
Nakita nila sa bahay ng suspek ang 10 gramo ng shabu, mga sangkap sa paggawa ng pampasabog at samu’t saring mga armas.
Gayunman, nabigo ang mga awtoridad na mahuli ang itinuturong nasa likod ng sindikato matapos na makatakas ang mga ito.
Sa kabila nito, itutuloy pa rin ng pagsasampa ng kaso laban sa sinasabing namamahala sa isla at kumuha sa mga biktima. Tutulungan naman ng lokal na pamahalaan na makapagsimulang muli ang mga nailigtas.