Inihayag ng Department of Foreign Affairs nitong Biyernes na kasalukuyan pa rin nilang biniberipika ang katotohanan sa ulat na dalawang Pilipino umano ang kabilang sa mga naging bihag ng militanteng grupong Hamas.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na hindi pa 100 porsyentong kumpirmado ang naturang report subalit ipinagpapalagay anilang posibleng kabilang ang mga Pilipino dahil walang sinyales na nasa Israel ang mga dalawang nawawalang Pinoy.
Kaugnay nito, nakikipagtulungan na ang DFA sa iba pang mga gobyerno para hingin ang kanilang tulong.
Base kasi sa mga ulat, nasa mahigit kalahati ng tinatayang 200 na mga bihag ay mayroong foreign passports mula sa 25 mga bansa kabilang na ang Pilipinas.
Sa isang briefing naman nitong Miyerkules, sinabi ni De Vega na batay sa Israel authorities isa sa mga nawawalang Pinoy ay lalaki na tinukoy ng Israeli Foreign Ministry na si Jimmy Gelienor Pacheco na binihag.
Bagamat ayon sa maybahay ng umano’y binihag na Pinoy na si Clarice, nakita niya ang kaniyang asawa na kasama sa dinukot ng miyembro ng Hamas sa isang kumalat na video sa social media.
Sa ibang balita, gumagawa na ng paraan ang Department of Migrant Workers upang mabigyan ng trabaho ang naiwang dalawang kapatid ng napatay na Pinay worker sa Israel dahil sa giyera sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hamas.
Sa pagdinig ng Committee on Overseas Workers Affairs ngayong araw, sinabi ni Migrant Workers Officer-in-charge Hans Leo Cacdac na kasalukuyan na nilang tinutulungan ang dalawang kapatid ng nasawing Pinay nurse na taga-Binmaley Pangasinan.
Ito ay tugon na rin sa naging request o kahilingan ng pamilya ng napaslang na Pinay worker.
Una rito, ang Pinay nurse na kinilalang si Angelyn Peralta Aguirre ay isang nurse na nakabase sa Kibbutz Kfar Aza malapit sa Gaza strip na pinapurihan ng deputy mayor ng Jerusalem dahil sa ipinamalas na kabayanihan nito na hindi iniwanan ang kaniyang matandang pasyente ng binihag sila ng militanteng Hamas kahit pa may pagkakataon ito para tumakas at kahit pa kapalit nito ay ang kaniyang buhay.
Iniulat din ng DMW official na nasa 746 pamilya ang humiling na ng tulong para malaman ang kalagayan ng kanilang kamag-anak na OFWs na nasa war-torn country kung saan tanging 2 na lamang ang unaccounted pa hanggang sa ngayon.