Inaprobahan sa Australia kahapon ang pagbaril mula sa helicopter ng libu-libong kabayo sa pinakamalaking parke ng bansa.
Layon ng pamahalaan na bawasan ang 19,000 kabayong tinatawag na “brumbies” sa Kosciuszko National Park, New South Wales. Nais nilang maging 3,000 na lamang ang bilang ng kabayo roon sa kalagitnaan ng taong 2027.
Sa dami ng kabayo, itinuturing na itong peste dahil sinisira nila ang mga halaman sa pagkain o pagtapak sa mga ito.
Nagdudulot rin ang mga kabayo ng erosyon, dinudumihan ng mga ito ang mga inuman at inaagaw ang pagkain ng ibang hayop.
Sinabi ni NSW environment minister Penny Sharpe na nanganganib ang ibang hayop na mawala dahil sa dami ng brumbies, ayon sa ulat ng Agence France-Press.
Hindi naging madali ang desisyon dahil walang may gustong pumatay ng kabayo, aniya.
Ginamit na ang pamamaril noong 2000 at mahigit 600 kabayo ang napatay sa loob ng tatlong araw.
Ngunit umalma ang publiko sa paraan at ipinagbawal ang pamamaril mula sa helicopter.
Ayon kay Jacqui Mumford, pinuno ng Nature Conservation Council, nanganganib nang mawala ang 25 uri ng halaman at 14 uri ng hayop, kabilang ang palakang corroboree, dagang broad-toothed at alpine orchids.