Inihayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na panahon na umano upang palitan na si Chinese Ambassador Huang Xilian sa gitna ng panibagong agresibong aksiyon ng china sa West PH sea.
Ayon kay Villanueva, kailangan na umanong pabalikin si Xilian sa China at palitan ito ng iba na magpraprayoridad sa pagtalima sa international laws.
Kung matatandaan, una nang pinatawag ng Department of Foreign Affairs ang Chinese envoy matapos ang mapanganib na maniobra ng Chinese vessels na nagresulta sa pagbangga nito sa supply boat ng Pilipinas sa Ayungin Shoal sa bahagi ng West Philippine Sea.
Subalit kasalukuyang nasa labas ng bansa ang Chinese envoy.
Nanindigan naman ang panig ng China na nagdala umano ang barko ng Pilipinas ng iligal na contruction materials at ang naging tugon nito na harangin ang barko ng bansa patungong BRP Sierra Madre ay propesyunal at alinsunod umano sa batas.
Pero ayon kay Villanueva, ang panghihimasok ng Chinese Coast Guard na bumangga at sumira sa supply boat ng Pilipinas na magdadala sana ng essential supplies ay hindi aniya mapagkakailang isang escalated form ng harassment.
Kaugnay nito, umapela din ang senador para taasan ang pondoat modernization ng PCG para mapalakas pa ang kanilang depensa sa ating sovereign rights sa WPS.