Inanunsyo ng Social Security System nitong Miyerkules na itinaas na nito ang maximum amount ng funeral benefits para sa mga miyembro nito.
Ayon sa SSS, hanggang P60,000 ang itinaas ng funeral benefits at sinimulan nilang ipatupad ang enhanced guidelines sa Social Security Funeral Benefit Program noong October 20, 2023.
Sa ilalim ng bagong patakaran, ang mga kukuha ng benepisyo para sa pumanaw na miyembro na may 36 o higit pang monthly contributions ay makatatanggap ng mula P20,000 hanggang P60,000 na SS funeral benefits, depende sa bilang ng kontribusyon na naihulog at average monthly salary credit.
Paliwanag pa ng ahensya, ang mga miyembro naman na nakapaghulog lang ng isa hanggang sa hindi aabot sa 36 monthly contributions sa panahon ng kaniyang pagpanaw ay makatatatanggap ng fixed funeral benefit na P12,000.
“The new guidelines provided under SSS Circular 2023-009 aim to incentivize active membership by raising the maximum amount of funeral benefit to P60,000 and streamline the provision of funeral benefits to claimants, especially for surviving legal spouses,” ayon sa inilabas na pahayag ni SSS President and CEO Rolando Macasaet.
Sakop ng itinaas na funeral benefit ang embalming services, burial transfer services and permits, funeral services (kasama ang church fees o ibang relihiyon), cremation or interment services, purchase or rent of coffin, purchase or rent of niche, cemetery, memorial lot, or columbarium, at memorial o funeral insurance plan.
Mayroong 10 taong prescriptive period ang aplikasyon ng funeral benefit magmula sa buwan nang pumanaw ang miyembro o pensioner. Gayunman, maaari pa rin itong magbago batay sa terms and conditions na susuriin ng SSS.