Tiniyak nitong Miyerkules ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bibigyang prayoridad ng kanyang administrasyon ang sector ng agrikultura dahil mas marami pa umanong dapat ayusin sa buong sistema ng sector.
Ayon kay Marcos kasama na mga hakbang na tinitingnan ng kanyang administrasyon ang pagpapalakas sa agricultural productivity, paggarantiya sa suplay ng pagkain, pagiging abot kaya ng mga pangunahing bilihin at pagbabawas sa pagiging dependent ng bansa sa importasyon o pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura.
Sabi pa ng Pangulo, , kabilang din sa prioridad ng kaniyang administrasyon ay ang pagsusulong ng mga patakaran na susuporta at magbibigay proteksyon sa kabuuang kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda, mga manufacturer at ng mamimili.
Dagdag pa nito na iginigiya ng kaniyang administrasyon ang agarang paglago ng industriya ng pangisda at pagsasaka.
Patunay dito ang itinaas pang budget sa P92.4 bilyong piso sa susunod na taon mula sa kasalukuyang P85.88 bilyong piso, para sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at makinarya sa agri fisheries sector.
Ang mga teknolohiyang ito ay naglalayong mabawasan ang pagkalugi sa post-harvest at matiyak ang mas malaking ani sa maliit lamang na halaga ng gastusin.
Sinabi pa ng Pangulo na isa rin sa prioridad ng pamahalaan ay mapataas ang exportation o pagluluwas ng ating mga produktong pang agrikultura, na siyang mahalagang nagtutulak sa pagiging competetive ng ating ekonomiya.
Sa ibang balita, nakitaan naman ng pagtaas ng P2 kada kilo ang retail price ng bigas sa gitna ng pagsipa ng farmgate price ng palay.
Ayon kay Grain Retailers Confederation of the Philippines national president James Magbanua, sa Visayas pa lamang ang buying price ng fresh palay ay tumaas sa P19 mula sa P17 kada kilo habang ang dry palay naman ay nasa pagitan ng P24 at P25.
Sabi ni Magbanua, tumaas ang farmgate price ng palay mula pa noong nakalipas na linggo kung saan ang epekto nito ay tataas din ang retail price bagama’t may mabibili pa rin sa mga merkado na mahigit 40 na kada kilo ng bigas.
Samantala, mas mataas naman ang buying price sa Luzon.
Tutol naman si Magbanua sa panukala ni Samahang Industriya ng Agrikultura chairman Rosendo So na ibalik ang price cap sa bigas dahil hindi aniya ito maganda para sa ekonomiya at ang mga magsasaka ang makikinabang sa pagtaas ng farmgate price ng palay.