Isang vape shop sa Pasig City ang nilooban ng mga magnanakaw at ayon sa may-ari ay maaari umanong inside job ang nangyari.
Sa kuha ng CCTV sa labas ng tindahan, nakitang isinara ng isang tauhan ang vape shop pasado alas-dose ng hatinggabi at pag-alis ng tauhan, may pumaradang sasakyan sa harap ng tindahan.
Bumaba ang dalawang suspek at matapos ang limang minuto ay lumabas sila na may dalang mga sako. Agad silang umalis lulan ng sasakyan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nabuksan ang mga padlock ng tindahan gamit ang susi na dala ng tauhan ng vape shop.
Kuwento ng tauhan ay dinukot siya sa kanto, hinawakan sa leeg, at ipinasok sa kotse.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente at ang posibleng inside job na nangyari.
“Parang very convenient. Kasi even ‘yung susi, alam na nila eh,” saad ni Rica Belita, may-ari ng vape shop.
Nadiskubre ring tumigil ang recording ng CCTV sa loob ng shop ilang oras bago naganap ang panloloob ng mga kawatan.
Nasa kustodiya na ng Pasig Police ang tauhan ng vape shop.
Ayon naman kay Belita, humigit-kumulang P200,000 ang nawala dahil sa insidente, at kabilang na dito ang mga devices, phones, paninda, at mga toys na naka-display.