Isang pangitain ng pagbabalik ng dating basic education curriculum sa bansa o K-10 ang mungkahi ng isang panel sa kamara na hindi gawing sapilitan ang pagkuha ng Antas 11 at 12 o senior high school sa umiiral na K-12 curriculum.
Ang dagdag na dalawang antas sa dating K-10 upang maging K-12 ay ipinatupad 10 taon na ang nakararaan sa ilalim ng administrasyon ng yumaong pangulong Benigno Aquino III. Layon ng dagdag na dalawang taong pag-aaral ng high school na ihanda ang mga estudyante sa mga teknikal at bokasyunal na trabaho sa pagtuturo at pagsasanay sa kanila ng mga ganoong kurso sa Grade 11 at 12.
Sa pagdinig ng Committee on Basic Education and Culture sa kamara nitong nakaraang linggo, inaprubahan nito ang isang panukalang batas na tinawag na “Education Pathways Act.”
Sa ilalim ng mungkahing batas, magiging optional sa mga nagtapos ng junior high school (Grade 9 at 10) na magtuloy ng Grade 11 at 12 kung nais nilang kumuha na lamang ng technical-vocational program sa Technical Education Skills Development Authority.
Kung maipapasa ang panukalang-batas na ito, magiging K-10 uli ang basic education curriculum sa bansa, ayon sa pinuno ng nasabing komite, si Rep. Roman Romulo ng Pasig City.
Kung tutuusin, marami-rami ring mga estudyante ang hindi nagtutuloy ng Grade 11 at 12. Dumidiretso na silang kumuha ng tech-voc na kurso sa TESDA upang mabilis na makakuha ng trabaho. Ito ay halos katulad na ng K-10.
Ang iba naman ay hindi na talaga makakuha ng Grade 11 at 12 dahil sa hindi na nila kayang tustusan ang ibang gastos sa pag-aaral kahit pa libre na ang matrikula sa mataas na paaralan. Dahil ito sa kahirapan.
Ang posibleng pagbabalik ng K-10 kung magiging batas ang Education Pathways Act ay patunay na maganda pa rin ang K-10 at hindi ito dapat pinalitan ng K-12 simulaÂ’t sapul.
Walang duda naman na mas marami ang tatangkilik sa K-10 kung itoÂ’y ibabalik dahil mas magaan ito sa bulsa ng mga magulang at mga magpapaaral ng ating kabataan.
Isa pa, pareho lang ang tumbok nito sa K-12, ang dagliang pagtatrabaho ng nagtapos ng high school sa abot-kayang halaga.