Tatlumpu’t limang bus at isang bagon ng tren ang sinunog nitong Lunes ng mga hinihinalang milisya o miyembro ng private army upang ipaghiganti umano ang pagpatay ng mga pulis sa pamangkin ng kanilang pinuno sa Rio de Janeiro, Brazil.
Sinabi ng Rio Onibus na ang bilang ang pinakamaraming sinirang bus sa loob ng isang araw sa kasaysayan ng siyudad.
Sinabi naman ng operator ng tren na Supervia na pinalabas muna ang piloto ng tren bago sinunog ng mga salarin ang bagon.
Naparalisa ang ilang bahagi ng siyudad dahil sa pagsuspinde ng ilang biyahe ng bus.
Ang panununog ay ginawa matapos ang pagkamatay ng kanang-kamay ng kanilang pinuno na kinilalang si “Zinho,” ayon kay Gobernador Claudio Castro.
Ang namatay na si Faustao ay isang warlord at ang kanyang pagkamatay ay isang malaking dagok sa pinakamalaking milisya sa kanluran, pahayag ni Castro.
Inaresto rin ang 12 tao dahil umano sa paghahasik ng terorismo at nagbabala ang city hall sa mga residente at turista ng karahasan.
Tinawag naman ng mayor ng Rio de Janeiro, si Eduardo Paes, ang mga milisya na “kriminal” at mga “idiot.”