Namatay ang isang menor de edad sa Caloocan City matapos umanong pukpukin ng martilyo sa ulo sa loob mismo ng kanilang bahay Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Daisy Mae Notario at ayon sa pulisya, ilang beses umanong pinukpok sa ulo ng salarin sa inuupahan nilang bahay sa Barangay 12 sa Caloocan.
Naisugod pa sa ospital ang biktima ng mga rumespondeng taga-barangay. Mula sa unang ospital ay nailipat pa ito sa isa pang ospital pero idineklara na siyang dead on arrival.
Ayon sa ama ng biktima na si Efren Notario, nag-iisa lang sa bahay ang kaniyang anak dahil nagdala siya ng mga paninda sa kaniyang asawa sa Bulacan.
Puwersahan daw pinasok ng salarin ang bahay at ilang gamit ng pamilya ang nawawala.
“Nawawala iyong panggawa ko ng gulong, cellphone niya at pera niya,” sabi ni Efren.
Iniimbestigahan pa raw ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen. May ilang person of interest na rin daw sila.
“Under case build up pa itong insidente at nangangalap pa rin tayo ng ebidensiya. But again, base po doon sa ating nakalap initially na impormasyon, mayroon tayong persons of interest at ito naman po ay tinitignan namin lahat ng anggulo kung ano po ang naging motibo,” saad ni Police Colonel Ruben Lacuesta, hepe ng Caloocan Police.
Na-recover ng pulisya ang martilyong ginamit ng salarin. Isang linggo pa lang daw mula nang bilhin ito ng tatay ng biktima na gagamitin daw sana sa kaniyang trabaho.