May bagong project ang aktres na si Bianca Umali at talagang nagbunyi ang kanyang mga fans nang ipakilala na ang dalaga bilang isa sa mga bagong Sang’gre na bibida sa susunod na kabanata ng classic action-fantasy series na “Encantadia“.
Gaganap bilang si Terra ang dalaga sa “Encantadia” saga at base sa kuwento, siya ang nawawalang anak ni Sang’gre Danaya na lumaki at namuhay sa mundo ng mga tao.
Kung matatandaan, si Sanya Lopez ang gumanap na Sang’gre Danaya sa huling kabanata ng “Encantadia” na umere sa GMA noong 2016. Nakasama niya rito ang iba pang Sang’gre na sina Glaiza de Castro (Pirena), Gabbi Garcia (Alena) at Kylie Padilla (Amihan).
Abot-langit naman ang pasalamat ni Bianca na sa kanya ipinagkatiwala ang role na Terra at pangako niya, gagawin niya ang lahat para mabigyan ng justice ang kanyang karakter, na tinaguriang “tagapangalaga ng Brilyante ng Lupa.”
“Maraming salamat. No other words, paulit-ulit kong sinasabi na I am very thankful to my supporters. Hindi ko hiniling ito, pero ipinagkaloob sa akin, that’s why I’m very very thankful. Thankful to my network, kasi sa tiwala. I assure them they will not be disappointed,” sabi ni Bianca.