Isang limang taong gulang na batang babae ang nasawi matapos umanong masagasaan ng kotse sa Barangay Bunawan Proper, Davao City nitong Sabado ng umaga at ayon sa pamilya, ng biktima, lumabas lang ang bata para bumili sa tindahan nang mabangga ito ng kotse sa Purok 17, Promise Land.
Lumabas sa imbestigasyon ng Bunawan police station na ang kotseng nakabangga ay bahagi ng motorcade ng kandidatong tumatakbo sa lugar para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay station commander PMaj. Jake Goles, paakyat ang kalsada at bagama’t automatic ang sasakyan, naapakan umano ng driver ang accelerator imbes na preno, kaya dumiretso ito sa tindahan.
Bago nasagasaan ang bata, nakabangga pa ng isang motorsiklo ang kotse at nasugatan sa aksidente ang driver ng motorsiklo at isa pang babae na bumibili rin sa tindahan.
Nakakulong sa Bunawan Police Station ang driver na humihingi ng tawad mula sa pamilya ng mga biktima.
Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injuries, at damage to property ang driver.
Sinagot naman ng barangay officials ang mga pangangailangan ng namatayang pamilya at mga sugatan sa aksidente.
Nagpaalala rin ang Commission on Elections sa mga kandidato na laging maging maingat sa mga aktibidad sa pangangampanya.