Apat na miyembro ng Pentagon kidnap-for-ransom-group ang sumuko sa mga sundalo sa M’lang, Cotabato Province noong Oktubre 16, ayon sa Joint Task Force Central.
Isinuko rin ng mga miyembro ng grupo ang kanilang mga armas sa 90th Infantry Battalion at 602nd Infantry Brigade, sabi ni Major General Alex Rillera, kumander ng JTF-Central, kahapon.
Kinilala ni Rillera ang mga sumuko na sina alias Robs, alias Papya, alias Mista, at alias Ronnie. Lahat sila ay nakatira sa Barangay Gaunan sa M’lang.
Ang mga isinuko nilang armas ay dalawang riple ng Garan, isang kalibre .50 sniper rifle, dalawang rocket-propelled grenades, isang round ng RPG ammunition, at tatlong rounds ng grenade launcher ammunition.
Pinuri ni Maj. Gen. Steve Crespillo, hepe ng Western Mindanao Command ng Sandatahang Lakas, ang pagsuko ng mga miyembro ng Pentagon dahil makakatulong ito upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa halalang barangay at Sangguniang kabataan sa Oktubre 30.
Sinabi rin ni Crespillo na tutulungan nila ang mga sumuko na makasama ang kanilang pamilya at mabigyan sila ng ayuda.
Samantala, inula trin ni Crespillo ang pagsuko ng isang kasapi ng New People’s Army sa Barangay Mirab, Upi, Maguindanao del Norte noong Oktubre 15.
Kinilala niya ang sumuko na si alias Agpol, isang medic ng Platoon 1, Sub-Regional Committee Daguma, Far South Mindanao Region.
Isinuko ni Agpol and isang 7.62mm M14 rifle na may magazine at 12 bala sa mga sundalo.
Nasa kustodiya na ng 57th Infantry Battalion si Agpol at sumasailalim sa debriefing.