Inihayag ng Department of Migrant Workers nitong Martes na nasa 120 na mga Pilipino sa Israel na ang humihiling ng tulong sa pamahalaan upang makabalik na sila sa Pilipinas sa gitna nang patuloy na digmaan sa pagitan ng Israel at mga militanteng Hamas.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, kasalukuyang pinoproseso ng DMW ang repatriation request ng 120 Filipinos at tinatawagan ang mga Pinoy ng dalawa hanggang tatlong beses upang masiguro na nais nilang makauwi na sa bansa.
Gayundin na dapat ang kanilang kontrata ay natapos na at nakatakdan ng umuwi.
Sabi pa ni Cacdac, nais nilang masiguro na maayos ang kanilang paghihiwalay o pag-alis sa kanilang mga employer at kaugnay nito, 60 Pinoy na dating nakatira sa Israel ang naiuwi na sa Pilipinas.
Sa ngayon, patuloy na nakikipag-ugnayan ang DMW sa iba’t-ibang ahensya at sa ISrael upang tuluyang matulungan ang humiling ng repatriation.
Kung matatandaan, pinag-iingat ang libu-libong mga Pilipino na nasa katimugan ng Lebanon at hilagang bahagi ng Israel laban sa posibleng paglala pa ng bakbakan sa pagitan ng tropa ng Israel at Hezbolah fighters sa gitna ng pangamba ng paglawak pa ng giyera sa iba pang mga lugar.
Aabot sa 2,700 Pilipino ang nasa katimugan ng Lebanon at 70 naman sa hilagang Israel ang posibleng maapektuhan kapag umabanse pa ang counterattack ng gobyerno ng Israel sa kuta ng Hezbollah doon sa Lebanon na naglulunsad din ng mga pa-atake sa Israel kasunod ng deadly attack ng militanteng Hamas.
Ayon kay Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega, pinayuhan na ng embahada ng Pilipinas ang 3,000 Pilipino sa southern Lebanon na lumikas dahil sa posibleng pagganto mula sa Israel dahil sapag-atake ng Hezbollah.
Ang Hezbollah ay ang Shiite Muslim political party at isang militanteng grupo na nakabase sa Lebanon. Sinusuportahan din ito ng Iran na nagbabala na sa Israel ng posibleng pagkalaganap ng tensiyon sa rehiyon kapag lumala ang pag-atake sa Gaza na kuta ng Hamas. Habang ang mga Pinoy na nasa northern Israel naman ay inilikas na.
Sabi pa ni De Vega, nakalatag na ang contingency at evacuation plans para sa mga Pilipino sa parehong bansa.
Nag-aantay dinang DFA sa rekomendasyon ng PH embassy sa Beirut kaugnay sa alert level status na ipapatupad sa mga Pilipino na nasa Lebanon habang nananatili naman ang Alert level 2 sa buong Israel.