Isang tumatakbong kagawad sa Barangay Maingaran sa Masbate City ang naiulat na namatay matapos umano itong pagbabarilin ng mga salarin Linggo ng hapon.
Ayon sa paunang ulat, nasugatan rin sa pamamaril ang incumbent Barangay Chairman ng Maingaran na si Joseph Martinez.
Sinabi ni Philippine National Police Public Information Office acting chief Col. Jean Fajardo na walo ang mga nakilalang suspek sa pamamaril na kasalukuyang tinutugis na ngayon ng pulisya.
Sa inisyal na report na nakarating sa PNP, nasa burol ng namatay na kapitbahay ang mga biktima nang biglang dumaan sa lugar ang grupo ng mga suspek na ka-alyado umano ng kandidato sa pagka-chairman din sa barangay.
“Habang ito pong mga biktima po at ‘yung isa nga po niyang kasama po ay uma-attend daw po ng burol doon sa isang namatay nilang kapitbahay, noong bigla nga po nitong grupo ng mga suspek na kandidato nga po sa pagka-chairman ay bigla nga pong dumaan sa area at bigla na lang daw po na nagkaroon ng commotion,” sabi ni Fajardo.
“Nakarinig sila ng putok at ito nga pong mga suspek, allegedly, ay armado po ng mga unknown caliber firearms ay bigla na lamang pong pinutukan ang ating mga biktima,” dagdag niya.
Dahil sa insidente, pinaigting na ayon kay Fajardo ang checkpoints sa Masbate City para mahanap ang mga salarin.
“As of now po, nagsasagawa ng hot pursuit operations ang ating PNP diyan sa Masbate para po tugisin itong mga tumakas na suspek,” saad ni Fajardo at dagdag niya, maituturing na suspected election-related incident ang nangyari dahil mga kandidato ang sangkot.
“Bibigyan po ng sampung araw ang ating validation committee to investigate whether this incident may be classified as validated election-related incident or not,” sabi ni Fajardo.
Simula Oktubre 20, may naitala nang 97 na recorded election-related incident ang PNP.
Pero ayon kay Fajardo, labing walo lamang dito ang validated na election-related incident. Non-election-related ang 66 na naitala at may natitira pang 13 suspected na kasalukuyan pang iniimbistigahan.
Sa 18 validated election-related incident, 12 dito ay shooting incident, dalawa ang kidnapping, isa ang grave threat, isang indiscriminate firing, isang violation of gun ban at isa ang namatay sa isang police operation na nag resulta sa armed encounter, ayon kay Fajardo..
“Kaya hindi po natin binababa ang ating guard sa ngayon at patuloy tayong nagbabantay para kahit papano ay hindi na po masusundan itong mga insidenteng ito,” dagdag pa ni Fajardo.