Inihayag ng Philippine Charityr Sweepstakes Office na isang 30-anyos na lalaki at nagsisimula pa lamang umanong bumuo ng pamilya ang masuwerteng nanalo ng P36.2 milyong jackpot prize sa lotto 6/42.
Ayon sa PCSO, kinubra na sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong ng masuwerteng mananaya na taga-Puerto Princesa ang kaniyang napanalunan mula sa naturang draw na ginawa noong Setyembre 7, 2023.
Ang lumabas na mga numero sa naturang draw ay 03-31-15-19-10-27, at may kabuuang premyo na P36,257,127.40.
Inihayag umano ng lotto winner na magandang biyaya para sa kanila ng kaniyang asawa ang kaniyang napanalunan.
“Napakagandang biyaya nito para sa amin ng asawa ko. Sa katunayan po ay nagsisimula palang kaming bumuo ng sarili naming pamilya,” saad ng lotto winner sa pahayag ng PCSO.
Halos isang dekada na umanong tumataya sa lotto ang lalaki na planong gamitin ang napanalunan sa pagnenegosyo at mamumuhunan sa real estate.