Nagbibigay-inspirasyong muli si Miss Universe 2010 4th runner-up Venus Raj sa kanyang pinakabagong podcast na “The Major Major Podcast” na ayon sa dalaga ay papasok na sa bagong season nito.
Sabi ni Venus, sa November na uli magsisimula ang kanyang show, at hindi niya napigilang mapa-throwback sa mga nangyari noong nakaraang season.
Isa na riyan ‘yung kwento ng single mom na si Grace na pinaasa ng isang lalaki at ayon kay Venus, talagang naapektuhan siya ng naging sitwasyon ng kanyang listener.
“Actually madaming episodes na magaganda noong first season. Pero siguro ‘yung tumatak na rin – kasi naalala ko ‘yung emotion ko nu’ng binabasa ko ‘yung letter. This letter sender, we call her Grace and ‘yung story niya na parang merong this guy na nag-laydown ng intentions sa kanya and gave her flowers and all that, but then the following day, biglang binawi ng guy and he was like, ‘forget everything I just said,’” sabi ni Venus.
“Of course, as a woman I felt bad for her because I don’t want to be in that position where I thought there’s a possible person who will pursue me, pero uurong din pala siya. Ayaw nating pinapaasa tayo,” dagdag pa niya.
“I guess that one story really resonated to me because I was thinking of all the other women who are also listening to us.”
Binalikan namin ‘yung ikinuwento ni Venus at ito ay matatagpuan sa Episode 8 na may titulong “Grace and The Guy Who Left Her Hanging.”
Mapapakinggan na nais humingi ng advice ni Grace tungkol sa isang guy na nagustuhan niya sa church at ang kwento pa niya, nagtapat sa kanya ‘yung guy sa kanyang nararamdam pero kinabukasan ay binawi niya rin ito.
Sumunod diyan ay nagbigay pa raw ito ng bulaklak sa kanya, ngunit bigla siyang hindi na kinausap nang isang buwan.
Nilinaw ni Grace na hindi siya umaasang magkakatuluyan sila, ang gusto lang daw niyang mangyari ay maging maayos ang friendship nilang dalawa.
Matapos basahin ni Venus ang sulat, napa-react agad siya at sinabing, “Grace alam mo, habang binabasa ko ‘yung letter, sumasakit na ‘yung puso ko at tsaka medyo kumukulo na dugo ko.”
“You deserve to be pursued by the man who will accept you wholeheartedly and will also accept your son. You deserve that and every woman does,” dagdag ng beauty queen.