Isa sa 18 Pilipinong nagtatrabaho sa Israel na umuwi na nitong Biyernes ay nag-aalinlangang pumayag sa tawag ng kanyang dating amo na bumalik roon at magpatuloy ng trabaho.
Sinabi ni Elmer Puno, 43, taga-Pampanga, na pinababalik siya ng kanyang amo sa Israel kapag humupa na ang labanan roon sa pagitan ng mga Israeli at militanteng Hamas.
Sagot naman niya ay hindi pa siya magkapagpasya sa alok dahil sa naranasan niyang takot nang tinitira na ng mga Hamas ng rocket ang Israel noong Oktubre 7.
May dalawang taon pang natitira sa apat-na-taong kontrata ni Puno bilang caregiver sa kanyang amomg Israeli nang mag-resign siya para sa kanyang kaligtasan.
“Nang tumunog ang sirena, tumakbo ako sa bomb shelter. Kausap ko ang aking asawa na narinig rin ang sirena at pagsabog ng mga bomba,” kwento ni Puno.
“Sobrang natakot siya. Sinabi niyang umuwi ako agad. Sinabi rin ng mga anak ko na umuwi na ako kaya hindi ako nagdalawang-isip na makauwi sa tulong ng gobyerno,” dagdag niya.
Sinabi niyang P70,000 kada buwan ang sahod niya na walang buwis.
Nakatanggap naman si Puno at ang mga umuwing OFW sa Israel ng tig-P105,000 na tulong pinansyal mula sa iba-ibang sangay ng pamahalaan.
Mabibigyan rin sila ng libreng pagsasanay sa negosyo na benepisyo para sa mga OFW.