Naayos ang gulo sa simpleng paghingi ng tawad. Kapag sinambit ang salitang “I’m sorry” o “I apologize,” papawiin nito ang galit sa isip at puso. Susunod na ang paghilom ng sugat na magpapabalik sa pakikitungo.
Para sa Prinsipe ng Kuwait, madali lang humingi ng tawad. Aabutin lang ng tatlo hanggang limang minuto. At sa maikling oras na iyon, naplantsa ang gusot sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Dating magkaibigan ang dalawang bansa ngunit nasira ang maganda at maayos na relasyon nila dahil sa karumal-dumal na pagpatay sa mga migranteng sina Joanna Demafelis at Jullebee Ranara ng mga salarin sa emirate na mayaman sa langis.
Dahil hindi mapangalagaan ng pamahalaang Kuwait ang buhay at kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino sa kanilang bayan, minabuti ng Pilipinas na itigil ang pagpapadala ng mga bagong trabahador doon, bagay na ikinagalit nila. Sinuklian ng Kuwait at desisyon ng Pilipinas ng pagtitigil sa pagbibigay ng visa sa mga Pilipino roon na nakaapekto sa mga nagtatrabahong kababayan roon.
Sa pagpunta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Riyadh, Saudi Arabia para sa pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations at Gulf Cooperation Council na kinabibilangan ng Kuwait, minabuti ng prinsipe, Sheikh Mishal Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah, na batiin si Marcos at nagpakumbabang humingi ng tawad sa pangulo dahil sa mga ginawang hakbang ng kanyang mga opisyal laban sa mga Pilipino.
Inamin ng lider ng Kuwait na hindi siya sang-ayon sa mga ginawa ng kanyang pamahalaan.
Nangako rin ang prinsipe na aayusin nila ang gusot at itatama ang mali dahil mahal nila ang Pilipinas.
Sa mga salitang iyon, inaasahan na manunumbalik na ang magandang tunguhan ng dalawang bansa na makabubuti naman para sa lahat.
Ngunit mas maigi pa sa taos na tawad ay kung wala nang manggagawang Pilipino sa Kuwait na sasapitin ang dinanas nila Demafelis at Ranara. Wala kasing “apology” ang makakapagpabalik sa kanilang buhay na nawala.