Kinondena ng League of the Provinces of the Philippines, League of Municipalities of the Philippines-Misamis Occidental Chapter, at ng Sangguniang Panlalawigan ng Misamis Occidental ang naging pananambang kay Governor Henry Oaminal.
Matatandaang natakasan lamang ni Oaminal ang pagtatangka sa kaniyang buhay kung saan isang improvised explosive device ang pinasabog sa kalsadang dinadaanan ng kaniyang security convoy sa bayan ng Clarin noong gabi ng Linggo.
Sinabi ni LPP National President at South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. na mabuti na lamang at walang nasaktan sa nangyaring pagsabog ng bomba ngunit kaniya itong kinokondena.
Samantala, nagpasa naman ng resolusyon ang LMP-Misamis Occidental Chapter na tinutukoy ang pangyayari bilang isang “terrorist act” na kanilang “kinokondena sa pinakamalalim na antas.”
Kapwa isinulong ng parehong organisasyon ang pangangailangan para sa masusing imbestigasyon at mabilis na aksyon laban sa mga responsable sa karahasang naganap.
Sa ngayon patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente upang matukoy ang matibo sa insidente.
Naniniwala naman si Oaminal na marahil sa mga inisyatibo ng kaniyang administrasyon ay naging target siya ng mga sindikato ng krimen at droga na “nawalan ng daan-daang-milyong halaga ng iligal na operasyon sa pagbabalik ng law and order sa lalawigan.”
Naghigpit na sa seguridad ang bayan ng Clarin matapos ang insidente para masiguro ang kaligtasan ng mga residente at bibisita sa lugar.
Ang pagbobombang naganap sa bayan ay isa sa serye ng mga pagtatangka kay Gov. Oaminal, kabilang na ang isang sniper attack, at isang kaso ng mistaken identity kung saan nadamay pa ang sasakyan ng sikat na aktres na si Kim Chiu.
Sa kabila ng mga sunod-sunod na insidente, buo pa rin ang loob ni Gobernador Oaminal sa kaniyang pangangalaga ng peace and order sa lalawigan.
“Hindi po ako matitinag ng kaduwagang ito. Nais kong mapanatag ang mga Misamisnon na ipagpapatuloy lang natin ang pagpapalawig ng kapayapaan sa ating lalawigan,” pahayag ni Oaminal.