Dati ay wala pang mga ilaw sa kalye na solar o iyung de-baterya na nacha-charge sa sikat ng araw. Kaya napupundi ang mga bumbilya sa poste ng ilaw.,
Kapag pundi na ang bumbilya, ito’y kinakailangang palitan ng mga taga-engineering office ng lokal na pamahalaan o ng sinumang pribadong may-ari ng poste.
Karaniwan ay hindi basta-basta napapalitan ang punding ilaw sa poste. Maaring walang pambili ng pamalit na bumbilya o walang taong mag-aasikaso ng mapalitan ito. Maaari ding walang pakialam ang mga kinauukulan at pinababayaan na lamang na pundido ang poste ng ilaw.
Resulta nito ay sakuna sa mga motorista o naglalakad na walang makita sa dilim tuwing gabi.
Ngayong uso na ang mga solar light, wala pa ring kasiguruhan na tuloy-tuloy itong magpapaliwanag sa kalye tuwing gabi.
Oo, sisindi ito ng kusa pagdilim at kusa ring mamamatay kapag may liwanag na ng araw. Subalit ibang usapin kung ito ay mapundi. Sadyang pabaya o tamad ang mga lokal na opisyal at walang kikilos para mapalitan ang sirang solar light o battery nito.
Nakukumpurmiso ng ganitong kapabayaan ang kaligtasan ng mga tao tuwing gabi. Ang kawalan din ng ilaw at Liwanag sa kalye ang umaakit sa mga criminal na pagnakawan ang mga naglalakad dahil hindi sila mapapansin sa dilim.
Gayong may mga lugar pa rin na ganito ang sitwasyon, marahil ang solusyon dito ay payagan na lamang ang mga nagtitinda ng umiilaw na parol na pumwesto sa madidilim na kalye upang mailawan at maging maliwanag ang mga lugar na hinayaang maging madilim.
May halalan sa pagka-kapitan ng barangay sa katapusan. Sila iyong mga mangangalaga sa mga barangay upang maging ligtas at maayos ito. Sana ay maging responsable ang mga mahahalal at marunong gumawa ng paraan sa simpleng suliranin na tulad ng pundidong ilaw sa poste.