Naiuwi na sa bansa at nakahimlay na ang labi ng namatay na overseas Filipino worker na si Mary Grace Santos sa tirahan ng kanyang magulang sa Barangay San Roque sa Macabebe, Pampanga.
Namatay ang Pinay OFW sa Amman, Jordan noong Oktubre 11 at ang suspek ay isang 16-anyos na Egyptian at ayon sa Department of Migrant Workers sinampahan na ng kaso ang suspek.
Nagpapasalamat naman ang pamilya Santos sa agarang pagpapauwi sa mga labi nito.
Dalawang anak ni Mary Grace ang kanyang naiwan sa edad na 16 at 13 at haggang ngayon ay hindi pa rin sila makapaniwala sa nangyari sa kanilang ina.
Ayon sa panganay na anak ni Mary Grace,nagpapasalamat siya sa kanyang ina dahil ginawa raw nito ang lahat para mabuhay silang magkapatid, aniya pa, hindi matutumbasan ng kahit anong materyal na bagay ang pagmamahal nila sa ina.
Nangako rin ang bunsong anak ni Mary Grace na tatapusin ang kanyang pag-aaral.
Samantala, tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administrator (OWWA) na makakatanggap ng tulong ang pamilya.
Ayon kay OWWA Administrator for Operations, Mary Melanie Quino, isa sa mga anak ni Mary Grace ang makakatanggap ng education assistance.
Nauna nang iniulat na natagpuan ang bangkay ni Mary Grace sa loob ng tangke ng diesel sa bahay na kanyang pinagtatrabahuan.
Samantala, nasa 20 overseas Filipino worker pa ang darating sa Pilipinas mula sa Israel sa Oktubre 23, ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega for Migrant Workers Affairs.
Ayon kay De Vega, ang naturang mga Pinoy ay mga caregiver at hotel worker sa Israel at dagdag niya, walang bagong ulat ng mga Pilipinong nasaktan sa labanan ngayon sa Gaza pero sinabing dalawang pinoy pa rin ang nawawala.
Kasabay nito nilinaw ni De Vega ang mga ulat na ang mga Pilipino sa Gaza ay nagkakaproblema sa pagkuha ng pagkain at tubig, at sinabing hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito.
Sinabi rin ni De Vega na matagal na ito na parating nagkukulang pero matatag ang mga OFWs at nakakagawa raw ng paraan. Ang nakikita niya lang daw na hamon ay kung hindi maluwag ang blockade, ay mauubosan ang mga ito.
Samantala, may 20 trucks na na ipinadalang tulong sa Gaza ngunit hindi pa rin daw ito sapat.