Iniligtas ng mga sundalo ang isang 20-anyos na lalaking dinukot ng mga teroristang New People’s Army sa Sultan Kudarat noong Oktubre 10.
Kinilala ang dinukot na 20-anyos sa pangalang Jonis, taga-Barangay Limulan, Kalamansig.
Ang miyembro ng tribung Dulangan-Manobo ay dinukot sa pagitan ng Barangay Limulan at Obial. Siya ay pinagdala ng pagkain ng mga NPA habang naglalakbay ang mga rebelde sa may lugar.
Ayon sa biktima, may dalawang lalaking bihag rin ng mga NPA ang nakita niya nang isama siya sa kanila ng mga NPA.
Pumunta ang mga kasapi ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion sa lugar nang may magsumbong na tagaroon na may umaaligid na mga armadong lalaki sa kanilang barangay.
Agad na nagpapunta ng mga sundalo sa lugar si Lt. Col John Paul Baldomar, kumander ng batalyon. Sumunod na rito ang engkwentro ng kanyang mga sundalo at ng mga dumukot kay Jonis.
Nang mailigtas at maibalik si Jonis sa kanyang magulang, nagsumbong sila kay Baldomar na kinukuha ng mga NPA ang mga gulay at prutas ng mga tagaroon.
Samantala, walang nabanggit kung ano ang nangyari sa dalawa pang lalaking dinukot ng mga NPA, na napag-alamang taga-Barangay Obial.
Dumulog na ang mga pamilya ng dalawang lalaki sa Kalamansig Police Station para sila’y mahanap.