Kinumpirma nitong Linggo ng National Task Force for the West Philippine Sea na muli na namang hinarang ng China Coast Guard ang resupply mission vessel ng Philippine Coast Guard umaga ng Linggo sa may bahagi ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Sa isang statement ng Task Force, sinabi nito na ang ginawa ng China Coast Guard ay isang “dangerous blocking maneuvers” laban sa resupply boat.
Binangga naman ng Chinese Maritime Militia vessel ang BRP Cabra (MRRV 4409) sa kasagsagan ng resupply mission.
Ang pagharang at ang delikadong maniobra ng China Coast Guard vessel 5203 laban sa resupply boat na Unaiza Mayo 2 ay nangyari 13.5 nautical miles silangan hilagang-silangan ng kung saan naroroon ang BRP Sierra Madre.
Ang Chinese Maritime Militia vessel 00003 naman ay nabangga ang BRP Cabra sa layong 6.4 nautical miles hilagang-silangan ng Ayungin Shoal.
Sa ngayon nagpapatuloy ang rotation at resupply mission kasama ang Unaiza May 1 na dumating ng maayos sa BRP Sierra Madre.
“The National Task Force for the West Philippine Sea condemns in the strongest degree the latest dangerous, irresponsible, and illegal actions of the CCG and the Chinese Maritime Militia done this morning,” saad ng isang inilabas na pahayag ng task force.
Noong nakaraang buwan, ibinunyag na ng National Task Force for the West Philippine Sea na nakaengkwentro ang mga barko ng PH Coast Guard ng harassment, mapanganib na pagmaniobra at agresibong aksiyon mula sa Chinese Coast Guard at Chinese Maritime militia sa panibagong resupply mission ng bansa sa Ayungin shoal na isinagawa kaninang umaga.
Sinabi ng Task Force na kanilang mariing kinokondena ang iligal, agresibo at destabilizing conduct ng Chinese Coast Guard sa loob ng exclusive economic zone ng PH.
Ayon naman kay Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Medel Aguilar, ang unprofessional na aksiyon at mapanganib na pagmaniobra na ginawa ng CCG at ng maritime militia nito ay hindi kailanman mamamayani laban sa ating isinasagawang legal at lehitimong mga operasyon na sumusuporta sa rules-based international order.
Matatandaan rin na maaaring propaganda lamang umano ng China ang ideya na mayroon silang informant na nagtitiktik ng impormasyon kaugnay sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin shoal at iba pang mga lugar sa West PH Sea.
Ayon kay Armed Forces chief General Romeo Brawner, Jr., iniimbestigahan na ng AFP ang posibilidad na ito subalit maaaring ito lamang ay disinformation mula sa Tsina.
Una na ngang pinalutang ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na lumalabas na mayroong advanced knowledge ang gobyerno ng China sa resupply mission ng PH at pinalutang ang posibilidad na mayroong informants ang bansang Tsina.