Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections ang 341 kandidato sa halalang barangay at sangguniang kabataan dahil umano sa hindi tamang pangangampanya.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia kahapon na nagsilbi sila ng show cause order sa mga naturang kandidato dahil sa paggamit ng malalaking campaign poster at paglalagay nito sa mga lugar na hindi itinakda para paskilan nito.
Nahuli umano ang mga nasabing kandidato nang ilunsad ng Comelec ang Operation Baklas o pagtatanggal ng mga campaign poster na nakalagay sa maling lugar.
Pinaalalahanan ni Garcia na ang pagpapaskil ng campaign poster sa mga pribadong lugar ay bawal kung ang tarpaulin ay lagpas sa sukat na 2 x 3 talampakan.
Ang tamang sukat naman sa mga flyers ay 8.5 x 14 pulgada at 3 x 8 talampakan para sa streamer.
Naghahanda na ng resolusyon ang Comelec para sa pagsuspinde ng proklamasyon ng nanalong kandidato na may kaso sa ahensya.
Sinabi ni Garcia na magdidiskwalipika sila ng mga kandidatong lumabag sa batas.