Iginiit ni House Majority leader at Zamboanga City 2nd District Representative Manuel Jose Dalipe na mismong ang Commission on Audit ang nagpatunay na walang iregularidad sa ginawang paggamit ng Kamara de Representantes sa pondo nito taliwas sa bintang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dalipe, naglabas ng sertipikasyon ang COA na may petsang Oktubre 2, 2023 na nagsasabi na hanggang noong Setyembre 30, 2023 ay walang notice of suspension, disallowance, o charge ang Kamara.
Dagdag pa ng mambabatas, noong Hulyo 6, 2023 ay naglabas ng report ang COA kung saan nakasaad na ito ay mayroong budget surplus na P4.69 bilyon noong 2022 at lahat ng kailangan na i-submit ng House of Representatives, lahat ng kung anong kailangan i-liquidate ay kino-comply at nirereport ng House of Representatives sa Commission on Audit.
Ginawa ni Dalipe ang pahayag matapos akusahan ni dating Pangulong Diterte ang Kongreso na hindi umano sinusuri ng COA.