Nagprotesta ang mga sex workers ng Amsterdam, Netherlands nitong Huwebes upang tutulan ang pagpapalipat sa kanila ng pamahalaan sa isang “erotic center” sa labas ng siyudad.
Suot ang maskara upang hindi makilala, dose-dosenang prosti ang nagmartsa sa kalye patungo sa City Hall.
Isang ralista ay may dalang banner na may salitang “Kung hindi kami sinisisi, bakit kami pinarurusahan?”
Nais ni Mayor Femke Halsema na tanggalin ang red light district o De Wallen at ilipat ito sa nayon upang baguhin ang imahe ng Amsterdam na “siyudad ng kasalanan.”
Kilala ang De Wallen sa mga bahay na may mga bintanang may neon lights na ginawang abangan ng mga prosting naghihintay ng parokyano.
Sa naturang paraan ay mababawasan rin ang turista at krimen sa siyudad. Tingin naman ng mga prosti na ginagawa silang dahilan ng pagkakaroon ng kriminal at turista roon.
Ayon sa isang sex worker, hindi nila kasalanan ang pagsisiksikan ng mga turista sa De Wallen kaya hindi sila dapat ang parusahan.
Samantala, tutol rin ang mga taga-nayon na malipat sa lugar nila ang mga prosti pati na ang pagbubukas roon ng “erotic center.”
Isang nanay na taga-timog ng Amsterdam ang nagsabi na hindi nila gustong maging kapitbahay ang pinakamalaking brothel ng Europa.
May 20,000 katao ang pumirma ng petisyon laban sa paglipat ng “erotic center” sa kanilang lugar at minungkahi ang mas malawakang pagbabantay ng mga pulis sa De Wallen lalo na sa gabi.