Isang tradisyunal na larong pambata ang patintero na sikat rin sa mga matatanda. Nilalaro ito sa mga sportsfest ng mga grupo o kumpanya bilang paligsahan o katuwaan.
Sa patintero, kailangang lagpasan ng isang koponan ang ilang hilera ng mga bantay ng kalaban nang hindi nadadaplisan o nahahawan ng kanilang kamay. Sinuman ang nahawakan o natapik sa anumang bahagi ng katawan ay maaalis sa laro. Ang mga matitirang kakampi ang magpapatuloy na makaabot sa likod ng huling bantay.
Kapag nalagpasan na ang huling bantay, babalik naman sila sa pinagsimulan. Kailangan muling lagpasan nila ang mga hilera ng bantay nang hindi natataya. Kapag nakaabot sa simula, panalo ang koponan.
Kung lahat naman sila ay nahawakan, wala silang iskor at sila naman ang magiging tagabantay.
Isang bagong bersyon ng patintero ay hind sa lupa ginagawa kundi sa dagat. Ang nagtutunggali rito ay ang mga marinong Pilipino at Tsino.
Ang mga barkong coast guard ng China ay laging hinaharang at nilalapitan ang mga barko ng Philippine Coast Guard na lumalayag papunta sa Ayungin Shoal at Rizal Reef upang magdala ng pagkain at iba pang supply para sa mga sundalong naka-istasyon roon.
Iniiwasan naman ng mga barkong PCG ang mga barkong Intsik upang hindi magbanggaan sa dagat. Nilulusutan rin nila ang mga paghaharang ng mga Chinese coast guard ships.
Ang patintero sa West Philippine Sea ay sapilitan dahil inaangkin China ang karagatang sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Hindi rin ito nakakatuwa bagkus ay mapanganib dahil malaking disgrasya kung magsasalpukan ang mga naghahabulang barko.
Sa mga pasaway na Pilipinong tumatawid sa mga daanan ng sasakyan na bawal tawiran, kailangang umiwas sa kotse, motorsiklo, dyip, bus o truck na parang naglalaro lang ng patintero upang hindi mabangga. Sadyang kinagawian na ng mga Pilipino ang ganitong larong takaw-sakuna kaya naman sige lang kung hahamunin tayo ng mga Tsino na magpatintero sa WPS.
Kung kaya nating talunin ang mga Intsik sa Asian Games basketball, kaya rin natin silang lampasuhin sa patintero sa dagat.