Naniniwala pa rin si Buboy Fernandez na hindi pa rin matatawaran ang lakas ni boxing champion Manny Pacquiao at dagdag pa nito, kahit na papalo na sa edad na 45 ang eight-division champion ay hindi pa rin maikakaila na iindahin pa rin ng mga kalaban ang suntok nito.
“The power is there,” saad ni Fernandez habang naghahanda sa training na isasagawa nila ni Pacquiao sa General Santos City.
May mga kumakalat kasing balita na naka-book na si Pacquiao para sa isang laban sa Japan sa bisperas ng Bagong Taon bagama’t wala pang naiiulat kung sino ang kanyang makakalaban.
Ang kawalan ng pormal na anunsyo mula sa Japan at maging sa kampo ni Pacquiao ay isa umanong senyales na wala pang napa-finalize kaugnay sa napapabalitang laban nito, subalit ang presensya ni Fernandez sa General Santos City ay isang senyales na may maaaring mangyari.
Si Pacquiao ay hindi pa lumalaban ng propesyonal mula nang matalo ang World Boxing Association welterweight crown kay Yordenis Ugas ng Cuba noong Agosto 2021 sa Las Vegas.
Ang tanging pagkakataon na umakyat siya sa ring ay nangyari noong Disyembre nang makipag-slugged siya sa Korean mix-martial arts expert na si DK Yoo.
Iginiit ni Fernadez na ang laban sa Yoo ay para lamang palabas.
Mas malaki ang tinutukan na magaganap sa Disyembre 31 sa Tokyo at may malaking bigat sa kabila na binansagan ito bilang isang eksibisyon.
Lumulutang pa rin ang pangalan ni Floyd Mayweather kaya naman hindi na sorpresa para kay Fernandez na maaaring magharap muli ang dalawa bago matapos ang taon.
Pakiramdam rin ni Fernandez ay hindi ito ituturing ni Pacquiao bilang isang eksibisyon lamang.
“Somebody’s going to get hurt,” sabi ni Fernandez.