Nakatutok pa rin sa ngayon ang Overseas Workers Welfare Administration kaugnay sa mga huling balita sa dalawang Pilipino na nananatiling nawawala sa gitna ng giyera sa pagitan ng pwersa ng Israel at militanteng Hamas.
Sinabi ni OWWA Administrator Arnell Ignacio na sa ngayon ay wala pang updates kaugnay sa kinaroroonan ng nawawalang mga Pilipino sa Israel pero umaasa sila na mahanap na sa lalong madaling panahon ang mga unaccounted na mga Pinoy.
Ayon pa kay Ignacio, personal na nagtungo sa Maynila ang pamilya ng isa sa nawawalang Pinoy upang mamonitor ang developments.
Samantala, inaasikaso na ang pamamahagi ng tulong para sa pamilya ng 4 na mga Pilipino na una ng kinumpirmang nasawi sa Israel.
Sabi ni Ignacio, magbibigay ang ahensiya ng P50,000 na tulong habang ang DMW naman ay magbibigay ng karagdagang P50,000.
Dumating na rin ang ikalawang batch ng Filipino repatriates na naipit sa giyera sa Israel nitong Biyernes at ayon kay OWWA Deputy Administrator Honey Quiño, sinalubing sila ng mga kinatawan ng OWWA, Department of Migrant Workers, Department of Foreign Affairs at ibang pang mga ahensiya ang second batch.
Ayon naman kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, tutulong din ang Department of Health at DSWD sa pagbibigay ng psychosocial support para sa mga returning OFWs.
Hindi naman tiyak ng opsiyal ang eksaktong bilang ng mga Pilipinong kasama sa second batch ng repatriates mula Israel subalit sa pagtaya nito ay aabot ito sa 20.